METRO MANILA – Nagtungo si Pangulong Rodrigo Duterte sa Western Mindanao Command sa Zamboanga City kahapon (July 6) upang bisitahin ang mga sundalong namatay at nasugatan sa pagbagsak ng C-130 plane ng militar sa Patikul, Sulu noong Linggo (July 5).
Ayon sa Punong Ehekutibo, sobrang kalungkutan ang dala ng nangyaring insidente kung saan maraming tauhan ng militar ang nasawi.
Tiniyak naman nito ang tulong ng gobyerno sa lahat ng mga pamilya ng mga nasawing sundalo gayundin sa mga nasugatan.
“Gusto ko lang malaman ninyo, that we will extend all help, they died for our country and behooves upon us to continue the help when they were live as they are now in heaven” ani Pres. Rodrigo Duterte.
Pangako ng pangulo ang paglalaan pa ng dagdag na benepisyo para sa sandatahang lakas ng Pilipinas.
Kabilang na ang pagtitiyak ng edukasyon sa mga anak ng mga tauhan ng militar.
“I assure you that i will add more benefits for your family, importante naman, what is very important really is the family that you leave behind will have the same privileges, importante diyan ang eskwela, we have set up foundations to see them through sa college for makaabot sa kurso sa kolehiyo.” ani Pres. Rodrigo Duterte.
Samantala, umapela naman ang palasyo sa publiko na hintayin ang resulta ng imbestigasyon kaugnay ng nangyaring military plane crash.
Hindi rin mahihinto ang pagsusulong ng modernisasyon ng hukbong sandatahang lakas ng Pilipinas sa kabila nang malagim na insidente.
(Rosalie Coz | UNTV News)