Pres. Duterte sa mga bakunado na: sundin pa rin ang health protocols

by Erika Endraca | June 8, 2021 (Tuesday) | 2432

METRO MANILA – Itinuturing na major milestone ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isinagawang symbolic vaccination ng mga kabilang sa priority group A4 o economic frontliners kahapon (June 6).

Kaalinsabay ng mas pinalawak ng vaccination program ng gobyerno, binigyang-diin naman ng pangulong dapat manatili pa rin ang publiko sa pagsunod sa health measures.

“To my dear kababayans, let us keep in mind that vaccination is the only way forward for us to overcome this pandemic. But we must also remember that getting vaccinated is not the only solution. We must continue to observe minimum public health standards by wearing a mask, washing our hands, and observing social distancing. “ ani Pres. Rodrigo Duterte.

Ayon naman sa Pangulo, ang mas pinalawig na vaccine campaign ay resulta ng maigting na hakbang ng pamahalaang makakuha ng bakuna mula sa iba’t ibang vaccine makers.

“We can now see the light at the end of the tunnel as the vaccine shipments have arrived, have started to arrive in bulks. This development is the result of our national government’s aggressive efforts to secure sufficient doses from different manufacturers.” ani Pres. Rodrigo Duterte.

Samantala, sa layuning makahikayat ng mas marami pang Pilipinong magpapabakuna lalo na sa sektor ng senior citizens at mga may sakit na mababa pa rin ang vaccination rate sa kasalukuyan, pinag-aaralan na ng pamahalaan kung maaari bang luwagan ang restrictions sa mga nabakunahang mamamayan.

“Sa ngayon, nakikita natin na sa IATF we are considering na bigyan ng some sort of opening of restrictions to those people that will be vaccinated especially yung quarantine protocols natin when they return from abroad.” ani Vaccine Czar / NTF vs Covid-19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez.

“Ang pakay po natin sa bandang huli ay talagang mas magkaroon ng increased mobility ang mga tao pong nakakumpleto na ng kanilang mga bakuna.” ani Department of Health Sec. Francisco Duque III.

Noong nakalipas na Linggo, pinaikli na ng Inter-Agency Task Force Against COVID-19 sa 7 araw ang mandatory facility-based quarantine sa mga kababayang nabakunahan sa Pilipinas na pabalik ng bansa.

Binigyang-diin naman ni Secretary Harry Roque na wala pang desisyon ang pamahalaan kaugnay naman ng ipatutupad na restrictions sa mga nabakunahan na abroad dahil wala pang international agreement sa pagkakaroon ng vaccination certificate.

“Ang problema po kasi, wala pa po tayong kasunduan sa buong daigdig kung pano natin maveverify yung authenticity ng mga vaccination card sa buong daigdig. Ang personal kong pananaw, bilang isang nagturo ng international law sa up ng 15 taon, baka kinakailangan magkaroon ng isang international na kasunduan kung dapat magkaroon ng standard na vaccination certificate ng sa ganun hindi po problema ang pagauthenticate kung totoo o peke yung vaccination card.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: