METRO MANILA – Muling hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga maaari nang magpabakuna na i-avail na ang COVID-19 vaccine shots na mayroon sa bansa.
Gayunman, muling sinabi ng Punong Ehekutibo na walang sinumang pinipilit kaugnay nito.
Pinayuhan din nito ang mga ayaw pang magpabakuna na manatili na lamang sa bahay.
“But then, sana kung ayaw ninyong magpabakuna huwag na kayong lumabas ng bahay para hindi kayo manghawa ng ibang tao kasi mahahawa talaga kayo” ani President Rodrigo Duterte.
Hindi rin dapat mamili pa ang publiko ng vaccine brand dahi patas naman itong maipamamahagi sa lahat.
“Kung mahirap ka man o mayaman, kung gusto mo, pumunta ka doon sa vaccination sites. If you are there in that community, go there and have yourselves vaccinated by any of the vaccines available. They are all potent. They are all effective. So wala — there’s no reason for you really to be choosy about it. The only reason is ayaw kong magkaroon ng — magkaroon ng ano ‘yong istorya na may pinapaboran kami na itong ito. Wala.” ani President Rodrigo Duterte.
Samantala, inaprubahan na rin ng pangulo na maisama sa prayoridad na mabakunahan ang Government and Economic Frontliners at mahihirap sa bansa.
Gagamitin para sa government at economic frontliners ang mga biniling bakuna ng pamahalaan habang ang mga bakunang galing sa covax facility naman ang ituturok sa indigent population.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: punong ehekutibo