Pres. Duterte, posibleng makapulong si Russian Pres. Putin sa 33rd ASEAN Summit sa Singapore

by Radyo La Verdad | November 13, 2018 (Tuesday) | 13956

Dumating na sa Singapore kagabi ang delegasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa 33rd ASEAN Summit and Related Meetings. Mananatili sa bansa ang punong ehekutibo hanggang ika-15 ng Nobyembre.

Ayon kay Philippine Ambassador to Singapore Joseph Del Mar Yap, posibleng makapulong ng punong ehekutibo ang Russian counterpart nito na si Vladimir Putin sa sidelines ng ASEAN.

May posibilidad din na magkaroon ito ng pagkakataong makausap sina US Vice President Mike Pence at Chinese Premier Li Keqiang.

Unang nagkita sina President Duterte at President Putin sa APEC Summit sa Peru noong 2016, pangalawa ay nang bumisita si Pangulong Duterte sa Russia noong May 2017, subalit kinailangan nitong putulin ang pagbisita dahil sa Marawi siege at ikatlong pagkakataon sa APEC Summit sa Vietnam noong nakalipas na taon.

Una nang nilarawan ni Pangulong Duterte si President Putin bilang kaniyang idolo at paboritong hero.

Hindi dadalo si US President Donald Trump sa ASEAN dahil dumalo ito sa 100th Armistice Commemoration sa Paris.

Samantala, ayon kay Yap, pangunahing agenda na itutulak pa rin ng Pilipinas sa ASEAN ay ang kapakanan ng mga migrant workers, South China Sea issue, at ang free trade agreement sa pamamagitan ng Regional Comprehensive Economic Partnerhsip (RCEP).

 

( Queenie Ballon / UNTV Correspondent )

Tags: , ,