Pres. Duterte, nakiusap sa publiko na iwasan ang malalaking selebrasyon sa paparating na holiday season

by Erika Endraca | December 8, 2020 (Tuesday) | 7996

METRO MANILA – Ngayong taon lang hihiling ang gobyerno sa publiko na ipagpaliban ang planong malalaking pagdiriwang para sa holiday season.

Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, ito ay upang maiwasan ang transmission ng Coronavirus Disease 2019.

“Ngayon pa lang we are saying na sorry, that there will be curtailment of so many things that you have been used to during these times”. ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Iginiit naman ng Punong Ehekutibo na hindi nito ipinagkakait sa publiko ang kalayaang makagalaw at gawin ang gusto ng mga tao subalit kinakailangang maghigpit ang pamahalaan. Ito ay upang maiwasang mahawa ang marami sa nakamamatay na sakit.

“Would be you kind enough just to skip the festivities, iwasan muna ninyo, it is for your own good and for the community.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, balak ng Pangulong tuluyang ipagbawal sa bansa ang paggamit ng firecrackers sa susunod na taon. Aniya, maglalabas siya ng kautusan kaugnay nito upang pangalagaan ang kaligtasan at kalusugan ng publiko.

“I’m putting you on warning, baka by midyear, i will issue the necessary document, banning totally, totally banning paputok kagaya sa amin.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa Davao City, 18 taon nang ipinatutupad ang pagbabawal sa pagbebenta ng firecrackers at pyrotechnics.

Bukod dito, nagbanta rin ang pangulo kaugnay ng pagkakaroon ng mas mahigpit na parusa laban sa mga magpapaputok ng baril tuwing bagong taon.

Aniya, hihilingin niya sa kongreso na magpasa ng batas kaugnay nito. Tuwing magpapalit ng taon sa bansa, may mga naitatalang biktima ng stray bullet o ligaw na bala.

“I will make it a very serious offense, i will go to congress” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,