Pres. Duterte, nakatutok sa sitwasyon ng mga lugar na apektado ng bagyong Rolly kahit nasa Davao City – Malacañang

by Erika Endraca | November 2, 2020 (Monday) | 7620

METRO MANILA – Nag-trending ang hashtag nasaan ang pangulo sa social media platform twitter kahapon (Nov. 1) habang nananalasa ang bagyong Rolly.

Nagsagawa ng pagpupulong ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ang ilang miyembro ng gabinete kahapon (Nov. 1) kaugnay ng bagyo subalit wala sa meeting si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mismong ang punong ehekutibo ang nagpatawag ng pagpupulong at nakamonitor sa sitwasyon ng mga lugar na apektado ng bagyong Rolly habang nasa Davao City.

“Ang presidente po ang nag-utos na magkaroon ng ganitong pagpupulong dito sa NDRRMC para masigurado na lahat ng pangangailangan ng ating mga kababayan na nasalanta ng bagyo ay maibigay sa lalong mabilis na panahon.” ani Presidential spokesperson Sec. Harry Roque.

Inaasahang Martes (Nov. 3) pa makakabalik ng Metro Manila ang pangulo galing sa kaniyang hometown.

Samantala, binilinan naman ng presidente ang mga ahensya ng pamahalaan gayundin ang Armed Forces of the Philippines na agarang gumawa ng hakbang upang tulungan ang mga kababayang lubhang naapektuhan ng kalamidad.

“So, on standby po ang lahat ng ahensya at departamento ng gobyerno, ang mandato po ng presidente, gawin ang lahat nang maisalba na naman ang ating mga kababayan dito sa trahedya ng super typhoon Rolly.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Dagdag pa ng Malacanang, asahan nang magkakaroon ng public address si Pangulong Duterte kaugnay ng bagyong Rolly.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,