METRO MANILA – Halos isa’t kalahating buwan na mula ng ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa luzon.
Sa kaniyang pakikipagpulong sa Inter-agency Task Force kontra coronavirus disease kagabi (April 27, 2020) , pinasalamatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mamamayan sa pagsunod sa ipinatutupad na community quarantine upang mapigilan ang pagkalat ng nakahahawa at nakamamatay na sakit.
“Nagpapasalamat ako sa inyo for heeding the warnings of government na magquarantine kayo para maprotektahan ninyo yung sarili ninyo at kapwa-tao ninyo kung maglabas kayo at makahawa” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinasalamatan din ng Punong Ehekutibo ang pwersa ng militar at pulisya na tumutulong sa paghahatid ng ayuda at serbisyo sa mga pinaka-apektadong mamamayan at mga komunidad.
Samantala, pinaghahanda na ng Pangulo ang mga publiko sa modified quarantine o mga lugar na isasailalim sa General Community Quarantine (GCQ) simula May 1, 2020.
Isinasa-ayos na aniya ang mga regulasyon sa muling pagbubukas ng public transportation sa mga GCQ areas.
Pinatitiyak din ng Punong Ehekutibo sa mga sektor ang proteksyon ng mga empleyado at ang kalinisan sa kanilang lugar.
“Lalabas na ho, lalabas na ‘yung modified — modified ang ano natin quarantine. so we will allow sectors of the society that is not — hindi talaga nagdidikit-dikitan.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
( Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Enhanced Community Qiarantine, GENERAL COMMUNITY QUARANTINE