METRO MANILA – Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang mga kritiko na itutuloy ang kaniyang pagtakbo sa pagka-bise presidente sa 2022 national elections.
Ginawa ng punong ehekutibo ang pahayag nang pangunahan ang national assembly ng PDP-Laban sa Clark, Pampanga noong Sabado (July 17).
“They keep on threatening me with lawsuits and everything, Trillanes and itong si Carpio and his elk, eh panay ang takot sa akin na mademanda ako. Sabi ng batas na kung presidente ka, bise presidente ka, may immunity ka, eh ‘di tatakbo na lang ako ng bise presidente. And after that tatakbo uli ako ng bise presidente at bise presidente.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinatutungkulan ng punong ehekutio ang mga reklamo kaugnay sa anti-drug war ng kaniyang administrasyon.
Matatandaang inudyukan ng dating chief prosecutor ng International Criminal Court (ICC)na si Fatou Bensouda ang ICC na magbukas ng malawakang imbestigasyon sa anti-drug campaign ng gobyerno ng Pilipinas dahil nakakita umano ito ng rasonableng batayan na may crime against humanity of murder sa war on drugs ng Duterte administration.
Subalit, ayon kay Pangulong Duterte, hihingi siya ng tulong sa Korte Suprema sa usapin ng due process kung uusad ang mga reklamo sa ICC laban sa kaniya.
“You know I’m a lawyer, they can never acquire jurisdiction over my person, not in a million years. I can always go to the supreme court and say, I was deprived of due process.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, sinabi naman ni Former Supreme Court Spokesperson Theodore Te na ayon sa konstitusyon at tradisyon, hindi immune ang bise presidente sa kaso.
Ganito rin ang pananaw ni Prof. Mel sta. Maria, ang dean ng Far Eastern University Institute of Law.
Inihalimbawa pa nito si Vice Presidente Leni Robredo na naharap sa kasong sedition, cyber-libel at iba pa.
(Rosalie Coz | UNTV News)