Pres. Duterte, nagbabala sa posibleng pagbalik ng mas mahigpit na quarantine restrictions kung lalala ang COVID-19 cases

by Erika Endraca | May 20, 2020 (Wednesday) | 1999

METRO MANILA – Nagpaalala si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko sa dahilan ng pagluluwag ng pamahalaan sa quarantine restrictions.

Aniya, di ibig sabihin nito ay ligtas na ang bansa sa banta ng Coronavirus Disease at nagbabalang maaaring maibalik ang mas mahigpit na Community Quarantine kung lubhang tataas ang kaso ng Coronavirus infections

“Remember this, the loosening of the restrictions, yung pagluwang ng gobyerno ng restrictions does not mean wala na ang COVID kung babalik tayo sa dati, if the contamination will be as fast as before, and it will continue to infect our nakalabas na, then we’ll have to just go back to original program.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon naman kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez, isinusulong ng IATF na limitahan na lamang sa mga barangay ang pagdedeklara ng lockdown upang di lubos na bumagsak ang ekonomiya ng bansa.

“Ang ginagawa na po natin ngayon Mr. President, baka hindi na tayo magdeclare ng lockdown per region but ang lockdown na lang natin ay by barangay. Ibig sabihin, paliliitin na lang natin. Ang gagawin natin yung barangay na may cases, yun ang ilolockdown natin para mapreserve ang economic” ani National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez

Samantala, tiniyak naman ng Punong Ehekutibo na naglalaan ang gobyerno ng pondo pambili ng vaccine kontra COVID-19 subalit sakaling kulangin, nakahanda rin aniyang manghiram ang bansa ng pondo para rito.

Nabanggit din ng Pangulo ang isang potensyal na vaccine laban sa infectious disease na posibleng maging available na sa January 2021.

“May pera ako pambili ng vaccine just in case somebody else would beat the modern to the vaccine. I think china has already one, and we’re just waiting for the announcement. Many countries are on the verge of, malapit na sila sa vaccine, naghahabulan” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,