Pres. Duterte, muling umapela sa publiko na sundin ang ipinatutupad na health protocols vs Covid-19

by Erika Endraca | March 9, 2021 (Tuesday) | 9312

METRO MANILA – Apat na araw nang higit sa 3,000 ang kaso ng Covid-19 sa bansa.

Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, bunsod ito ng hindi pagsunod ng mga tao sa minimum health standards.

Kaya naman muli itong nagpaalala sa publiko gayundin sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang pagtupad sa mga hakbang kontra Covid-19.

“Kasi you abandon the protocol, that’s number 1. Kasi kung magmaskara ka lang tapos may face shield ka , imposible na mahawa ka, wag lang gamitin yang kamay mo sa mukha mo. Yan ang payo namin sa inyo, wear mask, wash hands, observe distancing.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaalinsabay nito, tiniyak ng punong ehekutibo na gumagawa naman ng hakbang ang pamahalaan upang labanan ang pagkalat ng pinangangambahang coronavirus variants sa bansa.

Samantala, iniulat naman ni Vaccine Czar Carlito Galvez na umabot na sa 44,000 ang bilang ng mga nabakunahan kontra covid-19.

Ito ay isang linggo matapos i-rollout ng gobyerno ang vaccination program.

“Mayroon na po tayong more or less 44k vaccine doses na na-administer, at yung ating doses nadeliver na po sa ating mga vaccination sites.” ani Vaccine Czar & Ntf Vs Covid-19 Chief Implementer
Sec. Carlito Galvez.

Ayon naman sa opisyal, tumaas ang antas ng confidence sa Covid-19 vaccines matapos na i-rollout ang bakuna sa mga doktor sa Metro Manila.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,