Pres. Duterte, may P3-Million, house & lot para kay Olympic Gold Medalist Hidilyn Diaz

by Erika Endraca | July 29, 2021 (Thursday) | 856

METRO MANILA – Nagsagawa ng Virtual Hero’s Welcome ang Malacanang para sa unang Olympic Gold Medalist ng Pilipinas na si Hidilyn Diaz kahapon (July 28).

May virtual courtesy call din ang prominenteng weighlifter kay Pangulong Rodrigo Duterte kung saan ipinangako nito ang pagkakaloob ng P3-M halaga ng cash reward, fully furnished house and lot sa Zamboanga City at Presidential Medal of Merit.

“3 Million galing sa akin, 10 million galing sa gobyerno talaga, ito office of the president lang. So, ayusin mo mabuti ang buhay mo. You’ve been blessed by God. Hindi naman malaki, hindi naman maliit. This will go a long way to help your family. Alam mo struggle of life is a long, long process.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Bukod ang P3M cash reward mula sa tanggapan ng pangulo sa P10-M halaga ng incentives sa ilalim naman ng Expanded Athletes Incentives Act or Republic Act Number 10699 para sa Olympic Gold Medalist.

Kaalinsabay nito, ipinahayag ng pangulo ang pagiging proud ng mga Pilipino dahil sa tagumpay ni Diaz at karangalang nakamit para sa Pilipinas.

Nagpasalamat din ito sa pagtitiis ng atleta at pinayuhang patawarin at kalimutan ang mga nagawang kamalian laban sa kaniya.

“Pero salamat naman sa pagtiis mo. I hope that the years of toils, the years of disappointments, and the years na hindi maganda ang nangyari in the past, just forget them, you already have the gold. Gold is gold. And it would be good for you to just let bygones be bygones and dwell solely on your victory, together with your family and of course with the nation.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Nadawit ang pangalan ni Diaz sa Oust-Duterte Matrix na isinapubliko ni dating Presidential Spokesperson at ngayo’y Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo subalit nilinaw ng opisyal na walang kaugnayan ang atleta sa umano’y ouster plot laban sa administrasyon.

Samantala, 7 araw ang nakatakdang quarantine ni Diaz at pagkatapos, nakatakdang umuwi ng Zamboanga City kung saan siya nakatakdang bigyang-pugay ng mga kababayan.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,