Pres. Duterte, magta-trabaho sa holidays upang makatutok sa pagkakaloob ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

by Radyo La Verdad | December 24, 2021 (Friday) | 30491

METRO MANILA – Nagpahiwatig si Pangulong Rodrigo Duterte na magpapatuloy ang kaniyang paglilibot sa mga lugar na lubos na naapektuhan ng bagyong Odette.

Ito ay upang matutukan ang pagkakaloob ng tulong sa mga biktima ng kalamidad.

Ayon sa pangulo, tuloy ang kaniyang trabaho kahit sa holidays.

Ginawa nito ang pahayag nang bumisita sa Puerto Princesa Palawan kahapon, kabilang sa mga natamaan ng bagyo.

“So titingnan namin, hanggang pasko magtatrabaho ako. Hindi ako mag-new year. Talagang lalabas ako. sabi ko mag-overtime kami gobyerno, hindi magsara para maski na pasko. Sabi ko magsakripisyo na muna tayo tutal marami nang pasko sa buhay natin, sobra-sobra na. Itong pasko na ito ibigay natin sa tao.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Bukod sa Palawan, bumisita rin ang pangulo sa Cebu kahapon (December 23).

Nanggaling na rin ito sa Siargao, Dinagat Islands, Negros Occidental, Leyte at Bohol.

Humingi naman ng paumanhin ang punong ehekutibo dahil sa aniya’y naantalang pagtugon ng gobyerno.

“Maghingi ako ng tawad na napatagal ang response sa gobyerno. Sa totoo lang, hirap din kami dito sa taas because of the so many places scattered around at malalayo. Pati yung pera. Alam mo kasi maraming nagsasalita. Yung calamity fund, up to sa mga mayors, kailangan may report ang damage ng isang lugar bago ma-release ang pera.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 52,000 mga pamilya ang walang tirahan ngayong holiday season dahil sa pananalasa ng bagyong Odette.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,