Pres. Duterte, magreretiro na sa pulitika pagkatapos ng termino; Sen. Bong Go, tatakbo bilang VP

by Erika Endraca | October 4, 2021 (Monday) | 2644

METRO MANILA – Sabay na pumunta sa harbor garden tent sa Hotel Sofitel sa Pasay City noong Sabado (October 2) si Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Christopher Bong Go.

Pero hindi ang pangulo ang naghain ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) sa pagkabise presidente kundi si Senator Go.

Ayon sa pangulo, magreretiro na siya siya sa pulitika dahil ito raw ang gusto ng nakararami.

“The overwhelming sentiment of Filipino is that I am not qualified, and it would be a violation of the constitution to circumvent the law. Sa mga kababayan ko sundin ko ang gusto ninyo and today I announce my retirement from politics.”ani Pres. Rodrigo Duterte.

Ayon naman kay Go, gusto niyang ipagpatuloy ang nasimulan ng administrasyong Duterte gaya ng Build, Build, Build program.

“Napag-desisyunan kong tumakbo bilang bise presidente sa darating na halalan upang maipagpatuloy ang mga magagandang programa at tunay na pagbabagong naumpisahan ni Pangulong Duterte at sisikapin pa nating madagdagan ang mga ito. Hindi ako magiging spare tire o reserba lamang. Asahan ninyo na ako ay totoong magtatrabaho — hindi lang sa salita, kundi sa gawa.” ani ani Vice Presidential Aspirant Sen. Christopher “Bong” Go.

Si Go ang inendorsong presidential candidate ng paksyon ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa PDP-Laban pero tinanggihan niya ito dahil hindi aniya siya interesado sa pagkapangulo.

Noong nakaraang buwan naman, pinirmahan ni pangulong duterte ang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) dahil siya ang inendorsong bise presidente ng Cusi faction.

Kaya ang tanong ngayon ng marami ay kung sino ang makakatambal ni Go

Samantala, sa kaparehong araw din naghain ng kandidatura sa pagka-alkalde ng Davao City si Mayor Sara Duterte.

Nagpasalamat siya sa lahat ng sumuporta sa kanya.

Noong Biyernes naman, kauna-unahang naghain ng COC para sa pagkapangulo si Senator Manny Pacquiao.

Dito inihayag ng senador na makakatambal niya si buhay partylist representative at House Deputy Speaker Lito Atienza.

Sa ilalim ng Promdi tatakbo si Pacquiao na kaalyansa ng PDP-Laban.

“Dahil sapagkat may problema po ang ating partido na PDP, minabuti na lang po, napagkasunduan po na promdi ang gagamitin naming partido. ani Presidential Aspirant Sen. Manny Pacquiao”

Pero ayon sa Secretary General ng Pdp-Laban Cusi faction na si Melvin Matibag, paglabag umano ito sa kanilang konstitusyon kaya expelled na raw si Pacquiao sa partido.

Paratang ni Matibag, ginamit lamang umano ni Pacquiao ang partido para sa kanyang ambisyon na maging pangulo

Sagot naman ni Sen. Koko Pimentel na siya namang Chairman ng Pacquiao wing, propaganda lamang umano ito ng paksyon nina Matibag.

Paliwanag ng senador, may nilagdaang kasunduan ang pdp-laban kasama ang promdi at people’s champ movement na kanilang tinawag na “MP3 alliance”.

Ang paksyon nina Cusi aniya ang dapat magpaliwanag kung bakit biglang naging vice presidential candidate si Go kahit na walang pormal na nominasyon mula sa kanilang grupo.

Magtatagal hanggang October 8 ang COC filing habang papayagan naman ang substitution hanggang sa November 15.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,