Pres. Duterte, itinaas sa P500 ang monthly cash aid na ipagkakaloob sa mga mahihirap na Pilipino

by Radyo La Verdad | March 22, 2022 (Tuesday) | 4577

METRO MANILA – Maging si Pangulong Rodrigo Duterte, inaming naliliitan siya sa P200 halaga ng dagdag na ayuda para sa mga pinakamahihirap na pamilya sa bansa kada buwan.

Sa gitna ito ng pagtaas ng presyo ng langis at ilang pang pangunahing bilihin.

Kaya, ipinag-utos na ni Pangulong Duterte na taasan ang cash aid sa P500.

“Yung ayuda ninyo na 200 sabi ko rin sa kaniya, it’s too small sa isang buwan kaya, sabi ko maghanap ka ng pera, nagbubulungan kami, masyadong mababa yan. It cannot sustain a family of 3,4,5.” ani President Rodrigo Duterte.

Nagbigay na rin ito ng direktiba kay finance Secretary Carlos Dominguez na gamitin ang lahat ng available na pondo para sa dagdag-ayuda.

Subalit ang pondo namang gagamitin para mai-sustain ito sa loob ng isang taon, ipinauubaya na ng punong ehekutibo sa hahalili sa kaniya sa pwesto.

“So sabi ko kay sonny, it will be uphill battle for the next generation kung gawin nating 500. Sabi ko. Sa kaniya, bahala na ang presidente niyan, saan siya magnakaw.” ani President Rodrigo Duterte.

Partikular na makikinabang sa dagdag na ayuda ang mga benepisyaryo na ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps).

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,