Pres. Duterte, ipapaubaya sa IATF ang desisyon kung ibabalik ang mandatory na pagsusuot ng face shield

by Radyo La Verdad | November 30, 2021 (Tuesday) | 850

METRO MANILA – Ibinabala ni Health Secretary Francisco Duque III sa pulong kagabi (November 29) sa Malakanyang ang posibilidad ng pagpasok ng Omicron COVID -19 variant sa bansa.

“It’s not a matter of if, it’s a matter of when, talagang yan ay papasok yan just what we have experience with Alpha, Beta, Delta among more variant of concern” ani DOH Sec. Francisco Duque III.

Kaya ayon sa kalihim, kailangang palakasin ng mga otoridad ang kanilang mga estratehiya.

Muling binigyang diin ni Secretary Duque ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum health protocol at paghahanda sa health care system.

“let’s take advantage of our low number of cases and prepare the health system capacity again for the worst case scenario” ani DOH Sec. Francisco Duque III.

Ipapaubaya naman sa Inter Agency Task Force ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon kung kinakailangan gawing mandatory uli ang pagsusuot ng face shield.

“In the meantime if prudence, or just dictate maybe we strict again at kayo ang task force you have to sort it out whether we have to reimpose the shield” ani Pres. Rodrigo Duterte.

Sa pulong rin ni Pangulong Duterte kagabi sa mga health expert, sinabi ni DOH technical advisory group expert panel member doctor edsel salvana na may posibilidad na mas nakakahawa ang omicron kumpara sa delta variant.

“It is possibly more transmissible than delta although hindi pa ito sigurado. This is what who is watching out for and for now there are no early indications it is deadlier ” ani DOH Technical Advisory Group Expert-Member, Edsel Salvaña.

Inirekomenda ng health expert panel na higpitan ang border control at pabilisin ang pagbabakuna.

Ayon naman kay Philippine Genome Center Executive Director Cynthia Saloma wala pa silang nade-detect na Omicron variant sa bansa. Pero kailangan aniya nilang suriin ang mga samples ng mga umuuwing Pilipino galing sa ibang bansa.

Sa gitna ng banta ng omicron variant, ayon kay Pangulong Duterte maaaring pumayag siya na gawing mandatory ang COVID-19 vaccination.

“As a worker of government also charge in overall operation of the government I may agree with the task force to make it mandatory it’s for public health, kung ayaw mo huwag kang lumabas,wala namang problema kung ayaw mo magpabakuna huwag kang lumabas ng bahay” ani Pres. Rodrigo Duterte.

Pero iminungkahi ni DILG Secretary Eduardo Ano na higpitan na lamang ang vaccination rules.

Sa Huwebes muling magpupulong ang IATF para pagusapan ang susunod na hakbang ukol sa banta ng Omicron variant kung tuluyan na nga bang luluwagan ang alert level sa bansa o maghihigpit muli dahil sa panibagong banta na ito ng COVID-19 virus.

(Nel Maribojoc | UNTV News)