Pres. Duterte, inaasahang magpapatawag ng special session sa Kongreso upang maipasa ang Bayanihan 2 – Malacañang

by Erika Endraca | July 2, 2020 (Thursday) | 28143

METRO MANILA – Bago mag- July 27, o ang ika-5 State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, hihiling ng special session ang punong ehekutibo sa kongreso para maipasa ang bagong Bayanihan Law na magkakaloob ng special powers sa administrasyon para tugunan ang COVID-19.

Inihayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa panayam sa Get It Straight with Daniel Razon.

“Inaasahan na po natin na hihingi po ng special session ang ating pangulo para sa Bayanihan 2 package at ito po ay mangyayari bago magkaroon ng sona sa huling linggo ng Hulyo ” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Napaso na noong June 25 ang unang Bayanihan Law pagkatapos ng tatlong buwang bisa nito.

Aminado ang palasyo na dahil sa expiration ng Bayanihan Law, mas matagal na ang magiging proseso sa procurement ng mga kinakailangan Medical Equipment para sa COVID-19 response tulad ng Personal Protective Equipment (PPE), face masks, ventilators at iba pa.

Kinakailangan na ring magpataw ng customs duty at tax sa mga aangkating produkto.

Nagkasundo naman na aniya ang economic managers ng executive branch at kongreso hinggil sa stimulus package na ipapaloob sa Bayanihan 2.

“Nagreport po si Secretary Dominguez halos nagkasundo na sila ng parehong kapulungan ng kongreso at maisusulong na po yung Bayanihan 2” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,