Pres. Duterte, ikukonsidera ang mga suhestyon at komentaryo kaugnay ng VP nomination

by Erika Endraca | June 9, 2021 (Wednesday) | 8449

METRO MANILA- Tikom ang bibig ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng pang-uudyok sa kaniya ng PDP-Laban na tumakbong vice president sa paparating na halalan.

Subalit umani na ito ng reaksyon kahit sa kaniyang mga kaalyado.

Ayon sa Malacanang, open si Pangulong Duterte sa lahat ng komento at suhestyon lalo na’t pinag-iisipan pa nito ang desisyon.

Ayon kay dating House Speaker, Taguig-Pateros Representative Alabn Pater Cayetano, baka tamaan ang legacy ng presidente kung tatakbo itong pangalawang pangulo.

“I’m sure the president will listen to all these well-meaning remarks particularly galing po kay dating speaker Alan Peter Cayetano na naging running mate niya noong 2016. Wala pa naman pong desisyon kasi si Presidente Duterte, so, lahat po ng gustong magmungkahi, magbigay ng suhestiyon, welcome naman po sila dahil nasa proseso pa lang ng pagdedesisyon ang ating presidente.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Samantala, wala pa ring desisyon ang tagapagsalita ng presidente kung tatakbo para sa isang national position sa 2022.

Aminado ang kalihim, pino-problema nito ang pondo sakaling magdesisyong tumakbo sa senado.

“So I continue to ponder and pray and although this I will say, gustuhin man po natin dahil mayroon tayong unfinished agenda noong tayo po ay naging congressman nang 17th congress, ang tanong po natin iyong pondo. Kasi sa panahon ng covid, napakahirap po talagang mag-raise ng pondo at kinakailangan ng napakalaking halaga para makatakbo at manalo sa senado.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Dati nang binalak ng opisyal na tumakbo sa pagka-senador para sa 2019 mid-term elections subalit umatras ito dahil sa health reasons.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,