Pres. Duterte , hiningi ang tulong ng mga LGU sa 3-day massive COVID-19 Vaccination Drive

by Radyo La Verdad | November 24, 2021 (Wednesday) | 1906

METRO MANILA – Target ng pamahalaan na makapagbakuna ng 15 milyong pilipino sa 3 araw na malawakang pagbabakuna kontra COVID-19 simula November 29 hanggang December 1.

Hiningi ng pangulo ang tulong ng mga lokal na opisyal para tumulong sa pagdadala ng mga taong dapat na mabakunahan.

“I also appeal for all governors and mayors dalhin niyo mga constituents niyo sa mga vaccination site, sa mga ospital, malls at maging sa mga jollibee , mcdonalds branches para mabakunahan na sila” ani Pres. Rodrigo Duterte.

Ayon sa pangulo, kung kinakailangan ay pakainin rin ang mga babakunahan sa mga araw na iyon.

“Matapos gutumin walang pera tapos maamoy nila karne diyan, I authorizing all governors and mayors gumastos na lang kayo ng pera palitan ko balang araw, pakainin na lang ninyo sila” ani Pres. Rodrigo Duterte.

Muli ring binigyang diin ng pangulo kagabi na suportado niya ang mga estabslishment tulad ng mga restaurant at resort na hindi tumatanggap ng mga taong hindi naturukan ng COVID-19 vaccine.

“Itong mga restaurant and all na delikado sa contamination sa public you have my support, huwag ninyo silang pakainin sabihin mo na lang sila na kung ayaw niyo pabakuna at di kayo tinanggap marami diyan sa tabing sa dagat sa dewey” ani Pres. Rodrigo Duterte.

Inulit rin ni Pangulong Duterte ang kaniyang posisyon ukol sa mga nag-aapply ng trabaho na hindi naman bakunado.

“Kung ikaw gusto ng trabaho tapos ayaw mong magpabakuna hindi obligado ng employer na tanggapin ka” ani Pres. Rodrigo Duterte.

Sa kabila ng pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa bansa, ayon sa pangulo hindi pa dapat pakampante at dapat sumunod pa rin sa ipinatutupad na health protocol.

Sa ulat ng pangulo, aabot na sa 76.5 million doses ng COVID-19 vaccines ang naibakuna na, 41.9 million para sa 1st dose, at mahigit 33.5 million na ang nakatanggap ng 2nd dose at single dose shots.

Samantalang, umabot na sa mahigit 3 milyong kabataan na may edad 12 hanggang 17 ang naturukan na ng COVID-19 vaccine.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: