Pres. Duterte, binisita ang mga nasugatan sa pambobomba sa Hilongos, Leyte at Cotabato; ayuda para sa mga biktima, tiniyak

by Radyo La Verdad | December 30, 2016 (Friday) | 825

jennylyn_pres-duterte
Personal na binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga nasugatan sa magkakasunod na pagsabog sa Hilongos, Leyte at Midsayap, Cotabato.

Pasado alas-diyes kaninang umaga dumating si Pangulong Rodrigo Duterte sa Hilongos para dalawin ang mga biktima na naka-confine pa sa ospital.

Mahigit sa tatlumpu ang nasugatan na karamihan ay nanonood lamang ng isang boxing match sa plaza.

Kabuuang labing-walong libong piso ang ibinigay na ayuda ng bawat biktima mula sa pangulo at lokal na pamahalaan ng Hilongos.

Samantala, inihayag ng alkalde ng Hilongos na mayroon na silang mga itinuturing na “persons of interest” matapos na pag-aralan ang cctv video footage sa insidente.

Kabilang din sa tinitingnang anggulo sa insidente ang isyu ng paghihiganti matapos na mahuli ang isang drug lord sa bayan ng Hilongos, Leyte.

Matapos dito sa Hilongos, ay agad nang umalis ang pangulo para naman bumisita sa mga sugatan sa isa pang bombing incident sa Midsayap.

Sa kabila ng nangyaring pambobomba, tiniyak naman ng mga otoridad na walang dapat ikabahala ang publiko dahil patuloy na nila itong nireresolba.

(Jenelyn Gaquit / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,