METRO MANILA – Committed ang Pilipinas na mapalago pa ang ugnayan nito sa Estados Unidos sa ilalim ng bagong administrasyon ni Pangulong Joe Biden. Ito ang ginawang pagtitiyak ng Malacañang
Kasabay nito ay ipina-abot ng palasyo ang pagbati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa dating US Vice President na ngayon ay pangulo na ng makapangyarihang bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, inaabangan na ng gobyerno ng Pilipinas ang pakikipagtulungan sa bagong administrasyon ni President-Elect Biden na naka-angkla sa mutual respect, benefit at shared committed sa demokrasya, kalayaan at rule of law.
Samantala, ipinarating din ni Vice President Leni Robredo ang pagbati nito sa tagumpay nina U.S President-Elect Biden at Vice President-Elect Kamala Harris.
Si Harris ang kauna-unahang babaeng naging bise-presidente ng Estados Unidos. Aniya, ang pagwawagi ng mga ito sa halalan ay patunay ng mga layuning kapwa itinataguyod ng ugnayang Pilipinas at Amerika: ang demokrasya, civil rights, pananampalataya at inclusivity.
Ipinapanalangin naman nito ang tagumpay nina Biden at Harris. 1946 nang maitatag ang diplomatic relations sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. At ang security alliance sa pagitan ng 2 bansa ang pinakamatagal sa buong asia.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Newly Elected