Prepaid kuryente load project, ipatutupad na sa Cainta, Rizal

by monaliza | March 29, 2015 (Sunday) | 2951

IMAGE_DECEMBER092013_PHOTOVILLE-International_Jeff-Alcantara_MERALCO-METER

Ipatutupad sa kauna-unahang pagkakataon ng isang local government unit sa lalawigan ng Rizal ang paggamit ng “prepaid kuryente” sa ilang kabahayan at pwesto sa palengke.

Ipinahayag ni Cainta Mayor Keith Nieto na aabot sa 200 sangbahayan at 1,000 market stalls sa kanilang munisipalidad ang gagamit ng prepaid kuryente na bahagi ng “Kuryente Load” project ng Manila Electric Company o Meralco.

Layunin ng lokal na pamahalaan ng Cainta na maging mas maayos ang kanilang fiscal management dahil ilang may-ari ng mga pwesto sa palengke ang hirap makabayad ng kanilang electric bill.

Pero sa “prepaid kuryente”, hindi na umano magiging problema ng munisipyo ang pangongolekta ng bill dahil mismong mga stall owner na ang magiging responsable sa pagbabayad ng load.

Ang mga prepaid kuryente load credits ay maaaring mabili sa mga Meralco business center, Bayad center at mga piling sari-sari store.

Kapag nagpaload, makakatanggap ng text message ang mga konsyumer mula sa Meralco kaugnay sa kanilang load balance. Ang mga load credit ay walang expiry date at maaaring mabili sa minimum na P100.00 hanggang sa maximum na P1,000.00.

Tags: , , , , ,