Premium taxi’s, pahihintulutan ng LTFRB na magtaas ng pasahe tuwing rush hour

by Radyo La Verdad | September 22, 2015 (Tuesday) | 1347

LTFRB
Aprubado na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang surge pricing sa mga premium taxi

Ibig sabihin, may karapatan na ang mga ito na magtaas ng pasahe tuwing rush hour

Inihalintulad ito ng LTFRB sa ipinapatupad sa bansang Singapore na kung saan 25% surcharge ang naidadagdag sa pasahe

Ang premium taxi ay ang bagong kategorya ng mga vehicle for hire ng LTFRB.

Ito ay mga high end na sasakyan na mas malakas ang makina kumpara sa mga regular na taxi, may Global Positioning System o GPS, online at app based booking facility, wifi connection at on board payment device para sa credit o debit card

Lahat ng interesadong mag-apply sa premium taxi ay mayroong hindi bababa na 25 unit ng brand new na sasakyan

Sa ngayon ay tinatapos pa ng LTFRB ang guidelines sa mga aplikante ng premium taxi

Samantala, humihirit din ang mga regular na taxi na mabigyan ng surge pricing.

Ayon sa mga taxi operator hindi patas ang regulasyon ng LTFRB dahil ang Uber at nakapagtataas ng pasahe ng hindi na kailangang dumaan sa mga pagdinig

Pero kapag ang mga taxi ang humingi ng fare increase ay inabot pa ng ilang buwan bago maaprubahan

Dahil dito, naghain ng petisyon ang grupo ng 1-Utak upang pigilin ang operasyon ng Uber at Grab dahil sa laki umano ng epekto nito sa kanilang mga negosyo

Bukas ay didingin ng LTFRB ang naturang petisyon ng mga taxi operator. (Mon Jocson / UNTV News)

Tags: