Pre-qualification conference sa P50.2-B PPP prison facilities project ng DOJ at Bureau of Corrections, isinagawa ngayong araw

by dennis | April 8, 2015 (Wednesday) | 1369

preliminary_bianca-3

Sinimulan na ngayong linggo ang pagsasagawa ng pre-bid conferences sa mga indibidwal at kumpanyang interesadong mag-invest sa public-private partnership o PPP projects ng administrasyong Aquino.

Kanina isinagawa ang pre-qualification conference sa P50.2-bilyon na halaga ng regional prison facilities project ng Department of Justice at Bureau of Corrections.

May kabuuang lawak na 500 ektarya ang lupang pagtatayuan ng kauna-unahang state of the art prison facility sa bansa sa Fort Magsaysay military reserve, General Tinio, Nueva Ecija. Masasaludar ng pasilidad ang 28,880 inmates ng New Bilibid Prisons at Correctional Institution for Women.

Itataguyod ang proyekto sa ilalim ng build-transfer-maintain program ng PPP. Ayon kay Atty Rosario Elena Laborte-Cuevas, dalawa na ang prospective bidders para sa naturang proyekto.

Nakapagbayad na ng P1.5 milyon na participation fee at purchase of instructions to prospective bidders o itpb ang Megawide Construction Corporation at San Miguel Holdings Corporation.

Mayroong hanggang Mayo 6 ang iba pang interesadong bidders at investors na isumite ang kanilang pre-qualification documents. Susundan ito ng submission ng actual bids sa Agosto, at issuance of notice of award at contract signing sa Setyembre.

Target ng pamahalaan na masimulan ang konstruksyon ng prison facility sa Marso ng susunod na taon at matapos ito sa Marso ng taong 2019.

Ang nasabing proyekto ay isa lamang sa 12 PPP projects na inilatag ng administrasyong Aquino. Mula taong 2010, siyam na rito ang ini-award ng pamahalaan, na may total indicative cost na P136 bilyon.

Tags: , , ,