METRO MANILA – Umarangkada na muli ang ilang mga pampasaherong jeep na bumibiyahe sa mga dating ruta na umiiral na bago pa mag COVID-19 pandemic.
Base sa inilabas na kautusan ng LTFRB, 50 pre-pandemic routes ang muling pinayagan na makapag-operate upang hindi na mahirapang mag-commute ang mga pasahero.
Simula noong Lunes December 26 pwede nang magbalik pasada ang mga dating ruta ng PUJs kabilang na ang mga tradisyunal at modern jeepneys.
May ilang mga bagong ruta rin ang binuksan ng LTFRB upang tugunan ang dumaraming bilang ng mga commuter, ngayong maluwag na COVID-19 restrictions.
Bukod dito inilabas din ng LTFRB ang modified routes ng mga PUJ na pinagbabawalang dumaan sa Edsa.
Kabilang dito ang Project 6-TIM Kalaw via Quezon Avenue, Project 6 TIM Kalaw via Mindanao Avenue , Pier South Project 6 via Espana, at 3 pang mga ruta.
Malaking pakinabang naman para sa mga transport group ang muling pagbubukas ng mga ruta na malaking tulong hindi lamang anila sa mga driver at operator kundi maging sa mga commuter.
Inaasahan din ng mga transport group na mas makakabawi pa sa kita ang mga operators at drivers dahil mas makakadiskarte na sila ulit sa pagkuha ng mga pasahero.
Bukod sa mga pampasaherong jeep, mayroon ding mga bubuksang ruta para sa mga UV Express sa Apalit, Pampanga, Marikina, Pasig, Parañaque, Pasay at Quezon City.
At para malaman ang kumpletong listahan ng mga rutang binuksan ng LTFRB, bisitahin lamang ang kanilang website sa www.ltfrb.gov.ph.
(JP Nuñez | UNTV News)