Power situation outlook para sa 2016 National Election tinalakay ng National Grid Corporation, Department of Energy at Commission on Elections sa Nueva Ecija

by Radyo La Verdad | April 22, 2016 (Friday) | 4712

DANNY_NGCP
Tinalakay at siniguro ng National Grid Corporation of the Philippines ang kanilang kahandaan sakaling magkaroon ng malawakang brown out sa darating na Mayo sa lalawigan.

Sa pagpupulong, inilatag ng NGCP ang kanilang plano upang matiyak na sapat ang supply ng kuryente na magagamit bago, habang at pagkatapos ng halalan.

Ipinahayag ni Central Luzon Area Control Center Head Officer Artemio De Guzman na sa araw ng eleksyon ay mayroong 9,807 megawatts na available capacity ng mga planta na naka online sa grid at reserba na 2,243 megawatts na power supply ng kuryente, kaya’t wala anyang dapat ipangamba ang mga residente at botante na magkakaroon ng brown out sa lalawigan.

Sinabi ni De Guzman na simula alas-dos ng hapon sa Mayo a otso hanggang Mayo a-onse, maglalagay sila ng mga tauhan na magdu-duty upang tumingin sa lahat ng mga command center ng mga network facilities.

Tiniyak din ng NGCP na laging nakahanda ang kanilang mga personnel, logistic at administrative support katulad ng mga sasakyan, aircraft, gasolina at pagkain upang mapadali ang pagsasa-ayos ng mga transmission line sakaling magkaroon ito ng problema.

Magtatalaga rin sila ng mga military augmentation para sa security ng mga pasilidad.

Inilatag din ng COMELEC ang kanilang plano upang mapadali ang pagsasa-ayos ng mga balota, vote counting machines, at pagbibilang pagkatapos ng halalan sa Mayo.

Tiniyak din ng COMELEC na kahit magkaroon ng power interruption ay matutuloy pa rin ang halalan.

(Danny Munar / UNTV Radio Correspondent)

Tags: , , , , ,