Poster at tarpaulin ng mga kandidato sa mga hindi tamang lugar, naglipana sa unang araw ng kampanya

by Jeck Deocampo | February 13, 2019 (Wednesday) | 1198

METRO MANILA, Philippines – Nagsimula na ang unang araw ng kampanya para sa mga tumatakbo sa pagkasenador at party list group.

Dahil dito kaliwa’t-kanang mga poster at tarpaulin ang naglipana na naman sa mga kalsada upang maipapakilala ng mga kandidato ang kanilang sarili sa mga botante.

Sa kabila ng paalala ng Commission on Elections (Comelec), marami pa rin ang mga pasaway na kandidato na nagkakabit ng mga campaign material sa ipinagbabawal na mga lugar.

Busod nito, muling nagbabala ang tagapagsalita ng Comelec na si Director James Jimenez na posibleng maharap sa diskwalipikasyon ang mga kandidato na lalabag sa Fair Elections Act.

Kaugnay nito, hinikayat naman ng poll body ang publiko na isumbong sa kanilang tanggapan ang sari-saring paglabag sa pangangampanya sa pamamagitan ng social media.

Gamit ang hashtag na #SumbongSaComelec, maaring ipaabot ang report sa pamamagitan ng Facebook, Twitter at Instagram. Maaari ring magpadala ng email sa talktocomelec@gmail.com.

Kinakailangan lamang na kunan ng picture ang poster o tarpaulin, eksaktong lokasyon kung saan ito nakakabit, at ilagay kung oversized o misplaced ang materyales.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)