Posisyon ng vice governor sa Bataan, bakante ngayon dahil sa pagkamatay ni Tet Garcia sa sakit na liver cirrhosis

by Radyo La Verdad | June 15, 2016 (Wednesday) | 1814

JOSHUA_GARCIA
Pumanaw na si elected Bataan Vice Governor Enrique “Tet” Garcia matapos ang matagal rin niyang pakikipaglaban sa sakit na liver cirrhosis.

Sa pahayag ng pamilya Garcia, namatay ang 75-anyos na bise gobernador noon lamang gabi ng Hunyo a-trese habang ginagamot sa Makati Medical Center.

Nakalagak ngayon ang kanyang mga labi sa kanilang bahay sa Barangay Tenejero sa Balanga City at patuloy ang pagdating ng mga taong nakikiramay.

Matagal ring nagsilbi si Garcia bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Bataan sa kongreso mula pa noong 1987 at gubernador mula noong 1992.

Sa pagpanaw ni Garcia, hindi pa tiyak kung sino ang papalit sa kanyang posisyon sa pagka-vice governor ng probinsya dahil hindi pa ito natatalakay ng COMELEC.

Sa ilalim ng batas, dapat ang number one sa ranking ng susunod na pinakamataas na puwesto sa probinsiya ang papalit sa isang namatay na opisyal ngunit sa kaso ni Garcia, hindi ito otomatikong magagawa.

Ito ay dahil nagsumite si Garcia ng Petition for Substitution, isang linggo bago ang eleksyon at ang pamangkin niyang si Maria Christina Garcia-Mangubat ang pinangalanan bilang kapalit.

Ayon sa COMELEC, tatalakayin nila ang petisyon bago matapos ang buwan ng Hunyo upang agad nang mailagay ang magiging kapalit sa puwesto.

Ang mga labi ni Tet Garcia ay nakatakdang ilibing sa araw ng linggo.

(Joshua Antonio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,