Posibleng “Third wave” ng COVID-19 infection, hindi kakayanin ng mga ospital sa bansa — Infectious Disease Specialist

by Erika Endraca | May 12, 2020 (Tuesday) | 2231

METRO MANILA – Pinangangambahan ngayon ng mga eksperto ang pagtama ng tinaguriang “Third wave” ng COVID-19 infection sa bansa lalo na sa Metro Manila,

Kapag tuluyang niluwagan ang mga sektor at nagpaka-kampante ang publiko sakaling hindi na palawigin ang Enhanced Community Quarantine pagkatapos ng May 15.

Posible umanong hindi na kayanin ng mga ospital ang dami ng mahahawa sa COVID-19 at kulangin na ng iCU beds, isolation rooms at maging ng mga ventilator.

Kapag na-triple pa umano ang bilang ng mga kaso ng COVID sa bansa, baka magaya tayo sa estados unidos at italya na pinipili na lamang ang mga pasyenteng maaari pang gamutin at isalba.

“Some countries have very horrific death rates, some very horrific numbers  as much as possible we have to sustain the gains na nakuha natin. “ ani UP- NIH Director of the Institute of Molecular Biology and Biotechnology  Dr Edsel Salvana.

Ngayon pa lang, aminado na ang Department Of Health (DOH) na sa Metro Manila, malapit nang masaid ang kapasidad ng mga ospital na tugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga pasyenteng may COVID.

“Marami pa rin ang unoccupied, hindi pa nagagamit ibig sabihin so we are not reaching that max yet but of course hindi namin itatago really here in the National Capital Region medyo andun na tayo sa point na malapit na tayong maka-reach sa max.” ani DOH Usec. Maria Rosario Vergeire
Spokesperson.

Batay sa ulat ng DOH Kahapon (May 11), may 10 ,787 ang available na ICU beds, mahigit isanlibo ang available na ward beds at mahigit 5,000 pa ang bakante na isolation beds, 1, 503 naman ang hindi pa nagagamit na mechanical ventilators sa bansa.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,