Sa Basco Batanes, kahapon pa lamang ay itinali ng ilan ang bubong ng kanilang bahay sa mga puno, habang ang ilan ay tinatakpan ang mga butas na maaaring pasukin ng tubig o hangin.
Ang mga mangingisda, inalis na sa pampang ang kanilang mga bangka.
Sa La Trinidad Benguet naman, naabutan ng UNTV News Team ang mga magsasaka na inaani na ang tanim nilang lettuce sa nasa 500 square meters nilang taniman.
Karamihan anila sa mga ito ay matured na kaya kaysa mapinsala ng bagyo ay maaga na lamang nilang kinuha. Ang mga maliliit naman na tanim, kahit hindi pa dapat anihin ay hinarvest na rin.
Ang mga hindi talaga maaaring anihin, nilagyan na lamang nila ng takip na plastic upang hindi masyadong mapinsala.
Early harvest din ang solusyon ng ilang magsasaka naman ng palay sa Bicol Region.
Nakahanda namang ipahiram ng Department of Agriculture (DA) ang combined thresher and harvester ng ahensya para sa mga interesadong magsasaka para magamit sa kanilang mga tanim na palay na pwede nang anihin upang maisalba sa malakas na hangin o sa baha.
Batay sa datos ng DA Region V, may 1,000 hektaryang palayan sa Camarines Norte na pwedeng anihin habang nasa mahigit 25,000 hectars naman sa Camarines Sur at mahigit 16,000 hectars sa probinsya ng Sorsogon.
( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )
Tags: Bagyong Ompong, DA, North Luzon