Ipinakilala na ni President Elect Rodrigo Duterte ang mga miyembro ng kaniyang official family.
Ang mga ito ang makatutulong ni Duterte sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan para sa buong sambayanang pilipino.
Gayunpaman, itinatadhana ng saligang batas na dadaan pa rin sa Commission on Appointment ang mga taong napili ng incoming president para sa mga executive department, ambassadors o maging ang opisyal ng armed forces mula sa ranggong colonel o naval captain.
Hindi naman nababahala si President Elect Duterte sa prosesong ito sa kabila na ilan sa kanyang mga napili sa gabinete ay may mga kumukuwestiyon.
Kabilang dito sina incoming DSWD Secretary Judy Taguiwalo at dating Anakpawis Representative Rafael Mariano na ini-appoint sa Department of Agrarian Reform.
Ang mga ito ay pawang mga rekomendado ng National Democratic Front of the Philippines o NDFP kay Duterte.
Dalawamput dalawa sa mga miyembro ng gabinete ang kailangang dumaan sa CA ang kumpirmasyon.
Kabilang dito ang executive secretary at ang lahat ng executive department.
Kung hindi man mako-confirm ang isang appointee ay mananatili siya sa acting capacity hanggat patuloy rin siyang pinagkakatiwalaan ng pangulo.
Tiniyak naman ni Duterte na ang kaniyang napili ay batay sa kanilang mga naipakita nang kakayahan at dahil na rin sa tiwala niya sa mga ito sa pagpapatupad ng mga programa ng incoming administration.
(Nel Maribojoc/UNTV NEWS)
Tags: Comm. on Appointments, President-Elect Rodrigo Duterte