METRO MANILA – Hindi lang ang kaso ng Covid-19 ang mino-monitor ngayon ng Cagayan Provincial Health Office.
Matapos ang malawakang pagbaha, inaasahan na nito ang posibleng pagdami ng mga magkakasakit ng leptospirosis.
Ayon kay Cagayan Provincial Health Acting Chief Dr.Carlos Cortina III, lubhang delikado ang ihi ng daga na humalo na sa baha.
“The urine of the rats is diluted sa dami ng tubig mas delikado yung umpisa na narating yung bahay mo at nag wade ka doon saka ngayon na naglilinis kana doon sa lupa mas delikado yun yung ihi nung daga..mas concentrated na yun mas delikado.” ani Cagayan Acting Provincial Health Chief, Dr.Carlos Cortina III.
Kasama rin sa posibleng dumami ang mga magkakasakit ng ubo at sipon dahil sa malamig na klima at maraming residente ang maaring humina ang immune system dahil nababad sa kasagsagan na malakas na pag-ulan .
Posible ring maging problema ang mga magkakasakit ng diarrhea at pagsusuka dahil sa maruming tubig.
At dahil halos magkakahawig ang mga sintomas ng mga naturang sakit sa Covid-19. Payo ng doktor…
“Kapag may maramdaman kayo ngayon pumunta agad sa health facilities dont wait na yung ugali natin na sipon sipon lang yan baka mamamaya lepto na pala yun baka mamaya Covid na pala yun” ani Cagayan Acting Provincial Health Chief, Dr.Carlos Cortina III.
Samantala sa kabila ng banta ng posibleng pagpasok ng Covid-19 carriers sa lalawigan.
Sinabi ni Gov.Manuel Mamba na mananatiling maluwag ang kanilang quarantine restricition sa mga border para sa tuloy-tuloy na pagpasok ng mga tulong sa nasalanta ng bagyo.
“Tinanggal na namin yun dahil nag ano si silg nun na magrelaxed kaya tinanggal namin yung quarantine but there should be testing kahit yung antigen test” ani Cagayan Gov. Manuel Mamba.
(Joan Nano | UNTV News)