MANILA, Philippines – Pag-aaralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang posibleng dagdag pasahe sa jeep kasunod ng Big Time Oil Price na epekto ng nangyaring pagpapasabog sa 2 malaking oil facility sa Saudi Arabia.
Gamit ang binalagkas na formula ng Department of Finance, National Economic Development Authority (NEDA), Department of Enery (DOE) at LTFRB, tutukuyin kung magkano ang posibleng dagdag pasahe.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, ikokonsidera dito ang paggalaw sa presyo ng langis sa nakalipas na anim na buwan, dagdag pa ang oil price hike ngayong Linggo.
“Hindi pa natin makikita sa ngayon dahil we’re looking at pagbaba at pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina..likely tataas pero hindi ko pa alam kung magkano.” ani LTFRB Chairman, Atty. Martin Delgra III
Samantala kinuwestiyon naman ng grupong Pasang Masda ang batayan ng pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo. Pero paliwanag ng DOE sinusunod lamang nila ang panuntunan ng weekly adjustment sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Sakaling matuloy ang dagdag pasahe sa jeep, maglalabas ng bagong taripa ang LTFRB, at magiging epektibo 10- araw matapos maipalathala sa mga pahayagan.
(Joan Nano | UNTV News)
Tags: DOE, LTFRB, oil price hike