Posibilidad sa muling pag-aresto sa mga napalayang convicted criminals sa ilalim ng GCTA, iniutos ni Pang. Duterte sa DOJ na pag-aralan

by Radyo La Verdad | September 3, 2019 (Tuesday) | 6148

Maaaring maging ligal na basehan ng pamahalaan ang naging desisyon ng Korte Suprema sa kasong people vs Tan nang iutos ng korteng muling ipaaresto ang isang inmate nang magkamaling pakawalan sa bilangguan ng isang jail warden.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, inutusan na ng tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Justice na pagaralan ang posibilidad na muling ipa-aresto ang mga inmate na di naman qualified sa Good Conduct Time Allowance o GCTA.

Tulad ng mga gumawa ng mga karumal-dumal na krimen muli ring iginiit ng kalihim na ‘di pahihintulutan ng Pangulo ang anumang inhustisya na mangyari sa ilalim ng kaniyang administrasyon at ‘di na maipagpapatuloy kung ano ang kinagawian ng nakalipas na administrasyon kaugnay ng GCTA.

Binigyang-diin ng administrasyon na naging practice na ng Bureau of Corrections o BuCor sa ilalim ng dating administrasyong Aquino na magpalaya ng mga persons deprived of liberty dahil sa good conduct, sentensyado man sila o hindi dahil sa heinous crimes.

Dumami lang din aniya ang benepisyaryo ng GCTA nang magpalabas ng desisyonang Supreme Court at gawing retroactive ang GCTA.

Samantala, nasa status quo naman ang mga opisyal na BuCor hangga’t di natatapos ang imbestigasyon ng kongreso hinggil sa GCTA.

Nakatutok ang Pangulo at ikukunsidera ang magiging findings ng Kongreso.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , ,