METRO MANILA – Pinangangambahan ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang banta ng food crisis sa bansa kung matutuloy-tuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dagdag pa ang epekto ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, isa sa malaking hamon ngayon na kinakaharap ng sektor ng agrikultura ay ang tumataas na presyo ng fertilizers at feeds na lubhang nagpapahirap sa mga magsasaka.
Sa pagtaya ng DA posibleng maramdaman ang naka-ambang krisis sa suplay ng pagkain sa ikalawang quarter ngayong taon.
Dahil dito tinututukan ngayon ng ahensya na matulungan ang mga magsasaka at mga mangingisda,para mapalakas pa ang produksyon ng mga produktong pang-agrikultura sa bansa.
Gayunman, sinabi ni Sec. Dar na sa ngayon ay wala pa namang dapat ipag-alala ang ating mga kababayan dapat mayroon pa namang sapat na suplay ng pagkain sa bansa.
Samantala, upang mas mapalakas pa ang food security sa bansa, inilunsad ng DA ang National Agriculture and Fisheries Modernization and Industrialization Plan (NAFMIP).
Layon nitong mapalakas pa ang sektor ng agrikultura sa bansa at maging handa sa anomang krisis na kakaharapin sa susunod na 10 taon.
Sa pamamagitan rin nito ay maaaring maging mega industry ang sektor ng agrikultra ng bansa para sa matugunan ang kinakilangan produksyon ng mga pagkain.
Sa pagpasok ng bagong administrasyon umaasa ang Department of Agriculture na maipagpapatuloy ang mga programang ito upang maabot ang target na maging food self-sufficient ang Pilipinas.
(Janice Ingente | UNTV News)
Tags: DA, Food Crisis, Food Supply