Posibilidad na magkaroon ng magmatic explosion sa Mt. Bulusan, mababa pa sa ngayon-Phivolcs

by Radyo La Verdad | May 11, 2015 (Monday) | 3788

mount bulusan

Wala pang nakikitang sapat na senyales ang Phivolcs para sa posibilidad na magkakaroon ng malakas na pagsabog sa Mount Bulusan.

Batay sa isinasagawa nilang ground deformation inspection at precise levelling, mababa pa rin ang ilang bahagi ng bulkan at wala namang nakitang pamamaga na tanda ng pagkilos ng magma sa ilalim.

Ayon kay Crispolodio Diolata Jr., ang resident volcanologist ng Phivolcs-Sorsogon, ito rin ang lumabas na resulta sa ginawa nilang pagsusuri noong nakaraang Marso nang unang nagkaroon ng ash explosion ang bulkan.

Gayunman, hindi pa rin inaalis ng Phivolcs ang posibilidad na magkaroon pa rin ng pagsabog sa Bulusan lalo’t pang-apat ito sa pinaka-aktibong bulkan sa Pilipinas maliban sa Mt. Mayon sa Albay, Taal Volcano sa Batangas at Mt. Kanlaon sa Negros Island.

Ang kaibahan lamang ng Mt. Bulusan sa ibang bulkan sa bansa ay hindi pa ito nakakapagtala ng magmatic eruption mula pa noon.

Batay sa tala ng Phivolcs, labing-walong phreatic o ash explosion lamang ang naitala ng Bulusan

Sa kabila nito, tuloy pa rin ang pag-aaral ng mga eksperto kung posible bang magkaroon ng pagbabago ang bulkan sa tuwing nag-aalburuto ito.

Samantala, ngayong araw ay muling ipagpapatuloy ng Phivolcs ang pagsusukat sa bahagi ng Brgy. Monbon sa Irosin Sorsogon patungo sa dalisdis ng bulkan na posibleng abutin rin ng isang linggo.

At pagkatapos nito ay huling susukatin ang dalisdis ng bulkan sa Brgy. Tinampo sa bayan pa rin ng Irosin sa Sorsogon.

Tags: , ,