Pormal na pagsasampa ng reklamo sa mga bumibili ng boto tuwing halalan, ipinanawagan ng NAFREL

by Radyo La Verdad | May 16, 2018 (Wednesday) | 12473

Sa obserbasyon ng election watchdog na National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) sa isinagawang barangay at SK elections, madami pa rin talaga anilang mga kandidato ang hindi pa rin natatakot na mamili ng boto sa mga botante.

Isa sa nakikitang dahilan ng NAMFREL ay ang mabagal ang pag-usad ng imbestigasyon laban sa isang vote buyer hangga’t walang aktwal na pruweba ang isang complainant at hindi ito tetestigo laban sa akusado.

Pakiusap ng NAMFREL sa publiko, isuplong sa kinauukulan ang mga nasaksihang insidente ng vote buying sa kanilang lugar.

Ayon kay NAMFREL Secretary General Eric Alvia, kapag wala anilang pormal na reklamo lalong lalakas ang loob ng mga namimili ng boto. Kailangang din aniyang maaksyunan agad ng Comelec Law Department at ng action units gaya ng PNP at DILG ang pagsasampa ng reklamo sa mga sangkot sa vote buying bago pa sila mailuklok sa public office.

Batay sa Omnibus Election Code, hindi maaaring madiskwalipika ang isang kandidato hangga’t hindi napapatunayan ang election offense.

Ayon naman sa Comelec, bumabagal din ang usad ng imbestigasyon kapag natatakot na tumestigo ang isang complainant laban sa akusadong vote buyer.

Ang iba aniyang complainant, kuntento na lang na magsend ng video o picture ng walang pormal na reklamong naihahain sa Comelec.

Paalala ng Comelec, kailangan maihain ng maayos ang reklamo alinsunod sa proseso ng batas upang mabigyan ng karampatang parusa ang vote buyer o ang kandidatong nasa likod ng vote buying election offense.

Samanatala ayon sa NAMFREL naging matiwasay at maayos ang halalan kahit dalawang beses na itong naipagpaliban.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,