Pormal na negosasyon sa pagkakaroon ng code of conduct sa South China sea, isa sa mga landmark outcome ng 31st ASEAN Summit

by Radyo La Verdad | November 15, 2017 (Wednesday) | 5360

Nagbigay ng katiyakan si Pangulong Rodrigo Duterte na sumang-ayon ang China sa pagbuo ng code of conduct sa South China Sea.

Aniya, isa ito sa mga landmark outcome ng 31st ASEAN Summit sa ilalim ng chairmanship ng Pilipinas.

Dagdag pa ng punong ehekutibo, mismong ang China ang sumang-ayon sa usaping magkaroon ng mga panuntunang nararapat sundin ng mga claimant countries sa pinag-aagawang teritoryo sa international waters.

Kasabay nito ang pagbibigay nito ng katiyaking umiiral pa rin ang karapatan sa malayang paglalayag doon. 

Wala namang nabanggit na timeline ang Pangulo kung kailan mabubuo, masasapinal at mapagkakasunduan ang naturang code of conduct.

Samantala, muli namang ipinunto ni Pangulong Duterte na wala itong layuning maglunsad ng giyera kontra China dahilan upang isulong pa rin ang magandang pakikipag-ugnayan ng bansa.

Gayunman, pagtitiyak ng punong ehekutibo, magkakaroon din ng isang pagkakataon sa ilalim ng kaniyang termino kung kailan kailangan niya nang igiit ang arbitral ruling sa China.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,