Populasyon ng mga matatanda sa bansa, tumaas sa 9.2-M -POPCOM

by Radyo La Verdad | August 18, 2022 (Thursday) | 3820

METRO MANILA – Malaki ang itinaas sa populasyon ng mga senior citizen sa bansa o mga may edad 60 years old pataas.

Sa datos ng Commission on Population and Development (POPCOM), dumoble ang bilang ng mga matatanda sa Pilipinas sa loob ng 20 taon.

Mula 4.5 million noong 2000, umakyat ito sa 9.2 million nitong 2020. Karamihan dito ay mga babae.

Kaakibat ng pagdami ng mga matatanda ang mga problema na kanilang kakaharapin tulad ng pagiging masakitin o disabled lalo na sa mga kababaihan

Payo ng POPCOM, dapat maging aktibo sila at healthy ang lifestyle para tumandang malusog at makaiwas sa malulubhang karamdaman.

Batay sa projection ng POPCOM, pagsapit ng 2035, mas dadami pa ang matatanda sa bansa na hihigit pa sa 10% ng kabuuang populasyon.

Kaya isinusulong naman ng ahensiya ang mga programa para sa kapakanan ng mga matatanda

Ilan dito ay mga community-based rehabilitation, geriatric care at institution para sa mga matatanda.

Ayon pa sa POPCOM, 20% lang o isa sa bawat 5 senior citizen ang nakatatanggap ng pension kada buwan.

Pinag-aaralan na rin ng ahensiya ang pagsusulong sa employment ng mga matatanda o kaya’y taasan ang retirement age sa bansa at paglaanan sila ng part time jobs.

Sa kasalukuhang poverty threshold sa bansa, kailangan may 2 nagtatrabaho sa isang pamilya para masuportahan ang mga pangangailangan ng isang senior citizen.

Hindi naman dapat ikabahala ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga matatanda dahil kasabay sa kanilang pagdami ay ang tumataas na bilang ng mga nasa working age o mga edad na maaari nang makapagtrabaho

(Lalaine Moreno | UNTV News)

Tags: ,