Pondong ibinigay ng Kamara sa Commission on Human Rights para sa susunod na taon, 1,000 lamang

by Radyo La Verdad | September 13, 2017 (Wednesday) | 6855

Mula sa dating mahigit anim na raang milyong piso, isang libong piso lamang ang ibinigay ng mababang kapulungan ng Kongreso na pondo para sa susunod na taon sa Commission on Human Rights.

Sa isinagawang budget plenary debate kahapon sa Kamara, isandaan at syamnapu’t siyam na kongresista ang bumoto pabor dito habang 32 naman ang tumutol.

Ngunit sa panayam kay Pangulong Rodrigo Duterte kagabi sa burol sa Taguig ng isang sundalong nasawi sa Marawi City, sinabi nito na desisyong ito ng Kamara ay maari pa namang dumaan ulit sa review.

Bagamat hindi sinagot ng Pangulo kung iniutos ba niya sa mga kaalyado ang pagbibigay ng ganitong pondo sa CHR, inakusahan naman nito ang pinuno ng komisyon na mayroong pinapaboran. Ang CHR ang isa sa matitinding kritiko ng war on drugs ng Administrasyong Duterte.

Samantala sa isang pahayag, sinabi ng CHR na bagamat ikinalungkot nil ang desisyon na ito ng Kamara ay hindi umano nito mapipigilan ang pagtupad nila sa kanilang mandato na  maibigay ang hustisya sa lahat.

 

(Reynante Ponte / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , , ,