Pondo para sa P1,000 monthly pension ng mahihirap na senior citizen, tiniyak

by Radyo La Verdad | January 31, 2023 (Tuesday) | 9874

METRO MANILA – Dinagdagan ng P500 na buwanang pension para sa mahihirap na senior citizens ngayong taon sa ilalim ng Republic Act 11916.

Ayon kay Senate Finance Committee Chair Senator Sonny Angara, tiniyak nilang napondohan ito sa ilalim ng 2023 national budget.

Malaking pakinabang ang dagdag pension na ito lalo na sa walang mga ipon o sustento galing sa pamilya o kamag-anak.

Kabilang din sa benepisyong matatanggap ng mga senior citizens ang 20% discount sa pagbili ng gamot, 5% discount sa prime commodities at pagiging exempted sa value added tax sa mga goods and services.

Ikinatuwa din ni Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes ang dagdag P500 ngunit sa kabila nito, hindi parin aniya sapat ang P1,000 para sa pangangailangan ng isang indigent senior citizen.

Nasa 4.1-M indigent senior citizen ang inaasahang makikinabang sa buwanang pension,

na pinaglaanan ng pamahalaan ng P50-B pondo sa ilalim ng P5.268 trilyong national budget sa taong 2023.

(Bernadette Tinoy | UNTV News)

Tags: ,