Pondo para sa ayuda sakaling maglockdown muli sa NCR, di alam kung saan kukunin – Palasyo

by Erika Endraca | July 30, 2021 (Friday) | 9283

METRO MANILA – Umabot sa P22.9-B ang kinailangang pondo ng gobyerno upang bigyang-ayuda ang 22.9 Million low income individuals sa Greater Manila Area nang magpatupad muli ng istriktong community quarantine noong Abril dahil sa COVID-19 surge.

Kung muling magpapatupad ng hard lockdown ang pamahalaan sa Metro Manila, aminado ang palasyo, hindi pa tiyak kung saan kukunin ang bilyon-bilyong pisong halaga ng pondo para sa panibagong social amelioration.

“Pag tayo nag-lockdown sa Metro Manila, napakadaming magugutom at siyempre po 60% po ng ating GDP, ay galing sa Metro Manila at yung plus 8 areas so complete closure of the economy, mawawalan ng trabaho and ang katotohanan po, hindi ko po alam kung mayroon tayong pang-ayuda para sa another malawakang lockdown.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Pinapanukala ng mga alkalde sa National Capital Region na isailalim ang rehiyon sa 2 Linggong hard lockdown basta’t may cash assistance na ipagkakaloob sa mga maapektuhan.

Hindi natalakay ang isyung ito nang makipagpulong ang Inter-Agency Task Force kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkules (July 28) ng gabi kung kailan inaprubahan ang panibagong round ng community quarantine sa bansa.

Subalit giit ng palasyo, liban sa regular criteria, ikinukunsidera ng pamahalaan ang iba pang dapat isaalang-alang sa pagpapatupad ng quarantine restrictions.

“Ang desisyon na nakakaapekto sa COVID, hindi lang po sa larangan ng pagkakasakit, kinakailangan tingnan din po natin ang ibang aspeto ng buhay ng ating mga mamamayan, kung ikagugutom po ba nila yan? Kung kaya ba natin silang bigyan ng ayuda para hindi sila magutom” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Ayon sa mga ekspertong kinukunsulta ng gobyerno, bagaman may bahagyang pagtaas ng COVID-19 cases sa NCR, nasa low-risk level pa rin ang health care at intensive care utilization rates.

Pagtitiyak pa rin ng Malacanang, nakabantay sa sitwasyon ng COVID-19 ang Duterte administration at kung talagang kinakailangang magpatupad ng istriktong quarantine classification sa NCR, hahanap ng paraan ang gobyerno upang may maipagkaloob ng ayuda sa mga mawawalan ng hanapbuhay.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , ,