Pondo para sa ayuda sa formal workers na naapektuhan ng pandemya, sapat pa – DOLE

by Erika Endraca | November 9, 2020 (Monday) | 6067

METRO MANILA – Patuloy ang pamamahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng P5,000 ayuda sa mga manggagawa mula sa pormal na sektor na naapektuhan ng Covid-19 pandemic.

P4.7-B ang nakalaang pondo para sa Covid adjustment measures program o Camp mula sa Bayanihan to recover as one act.

Binibigyang prayoridad dito ang mahigit kalahating milyong empleyado na hindi nakatanggap ng ayuda mula sa first tranche sa kabila ng pagsusumite ng kanilang aplikasyon sa itinakdang deadline noong April 15.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sapat ang pondo para sa mga ito maging para sa mga bagong aplikante ng programa.

“Marami din doon sa mga hindi nabigyan noon, nakapag-apply sila doon sa programa ng Department of Finance saka sa SSS, yung wage subsidy. So, nakatanggap sila doon, hindi na sila makatanggap ngayon. So, probably we’re talking of about a little over 500,000 pa na mga unpaid formal workers. So, mayroon pa tayong pondo para doon sa bago na mag-a-apply.” ani DOLE Sec. Silvestre Bello III.

Ayon kay Labor Assistant Secretary Dominique Tutay, hindi na magpapasa pa ulit ng aplikasyon ang mga nagsumite na hanggang noong April 15

Ngunit kailangang kumpirmahin ng mga ito kung hindi pa sila nakatatanggap ng ayuda sa pamamagitan ng pagrerehistro online.

Para naman sa mga bagong aplikante, maaari na ring magpasa ng aplikasyon ang mga employer at pwede na rin itong gawin online ng mismong mga manggagawa na nagsara na ang pinapasukang kumpanya.

“Kasi ang sinasabi po nung mga nawalan ng trabaho, ‘ma’am, sarado na yung kumpanya namin. So, wala na po kaming contact doon sa employer namin. Papaano naman kami? Kaya binigyan natin sila ng pagkakataon na makapag-apply mismo doon sa ating information system. “ ani Dole Asec. Dominique “Nikki” Tutay.

Para makapag-avail ng ayuda, pumunta lang sa website ng DOLE na reports.dole.gov.ph, sagutan ang online form at ihanda ang valid identification na kukunan ng litrato sa proseso ng pagpapasa ng aplikasyon.

Nilinaw naman ng DOLE na may hiwalay na programa at pondo para sa ayuda sa mga manggagawang saklaw ng sektor ng turismo gaya ng mga rehistradong tour guide, resort at restaurant staff at iba pa.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,