Pondo ng lokal na pamahalaan, isinusulong na madagdagan para sa mas epektibong kampanya laban sa krimen at droga

by Radyo La Verdad | June 29, 2018 (Friday) | 5640

Suportado ng ilang senador ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na i-audit ang trabaho ng mga alkalde kaugnay ng kampanya ng administrasyon na mapababa ang kriminalidad at paglaban sa iligal na droga.

Ayon kay Senate Local Government Committee Chairman Sonny Angara, isinusulong nila ngayon ang panukala na dagdagan ng kapangyarihan at pondo ang local government units upang masuportahan ang kampanya na ito ng pamahalaan.

11 panukala upang amiyendahan ang LGU code ang nakahain ngayon sa Senado. Kabilang na dito ang panukalang pagtataas sa pondong ibinibigay sa mga LGU, kung saan isasama na sa computation ng Internal Revenue Allotment (IRA) ang value added tax (VAT) na ipinapataw sa mga imported goods na kinokolekta ng Bureau of Customs (BOC).

Bukod pa rito, isinusulong naman nina Senators Koko Pimentel at Ralph Recto na itaas ang IRA ng mga LGU sa 50 percent mula sa 40 percent share.

Ayon kay Senator Angara, batay sa kanilang mga konsultasyon ay maliit lamang ang pondong naibibibigay sa mga lokal na pamahalaan. Kapos para maipatupad aniya ang mga programa ng kanilang nasasakupan.

Sa kanilang datos, 40 porsyento sa 41, 902 na mga barangay ang nakatatanggap ng IRA na 1 milyong piso pababa. Sa kabila nito, nagbabala naman si Senator Antonio Trillanes IV sa pagpapalakas ng kampanya ng administrasyon kontra droga sa mga barangay, partikular na dito ang pagbibigay ng armas sa mga barangay officials o tanod.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,