Polisiya para sa mandatory drug testing sa mga PUV driver, inihahanda na ng LTFRB

by Radyo La Verdad | June 15, 2018 (Friday) | 5919

Makikipagpulong sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa planong mandatory drug testing sa mga bus driver.

Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na sumailalim sa drug testing ang lahat ng bus drivers bago payagang  bumiyahe upang maiwasan ang aksidente.

Ayon kay LTFRB Board Member Attorney Aileen Lizada, bukod sa mga bus driver ay plano rin ng ahensya na ipatupad ang drug mandatory drug test sa lahat ng mga driver ng pampublikong sasakyan.

Kabilang sa ikokonsidera ng LTFRB sa pagbuo ng polisiya ay kung sino ang gagastos sa isasagawang drug test.

Pag-aaralan rin ng LTFRB kung paano maisasagawa ang surprise drug test at kung ilang beses itong gagawin sa loob ng isang taon. Subalit hindi sang-ayon sa plano ang grupo ng  provincial bus operators.

Ayon sa presidente ng grupo, bukod sa magastos ay makakaabala rin anila ito sa kanilang operasyon kung isasailalim muna sa drug test ang mga driver bago bumiyahe.

Ayon sa LTFRB, may ilan nang mga bus operator ang gumagawa ng drug testing sa kanilang mga driver tuwing peak season o long holiday.

Nakatakda ang pagpupulong ng LTFRB sa PDEA sa ika-20 ng Hunyo.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,