Polisiya ng gobyerno sa open-pit mining, hindi parin nagbabago – Sec. Harry Roque

by Radyo La Verdad | November 21, 2017 (Tuesday) | 2233

Ayaw pa ring alisin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ban o pagbabawal sa open-pit mining sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, mismong siya ang kumumpirma nito sa Pangulo.

Nauna nang sinabi ni DENR Secretary Roy Cimatu na ipepresenta niya sa cabinet meeting ang rekomendasyon ng Mining Industry Coordinating Council o MICC na baligtarin ang kautusan ni dating DENR Sec. Gina Lopez.

Ang open-pit mining ay paraan ng pagmimina kung saan kinukuha ang mineral sa pamamagitan ng paghuhukay o pagbubungkal sa ibabaw ng lupa.

Ayon naman sa Chamber of Mines of the Philippines, umaasa parin sila na maglalabas ng kautusan ang DENR gaya ng rekomendasyon ng MICC.

Sinubukan ng UNTV na hingan ng panig ang DENR sa pamamagitan ng text at tawag ngunit wala pa silang tugon sa mga oras na ito.

Samantala, nasa 11 araw nang nagkakampo ang ilang residente ng Manicani Island na bahagi ng Guiuan, Eastern Samar. Nananawagan ang mga ito na huwag ng i-renew ang Mineral Production Sharing Agreement o MPSA ng Hinatuan Mining Corporation o HMC na nag-expire na nito lamang Oktubre.

Kahit umano suspendido ang operasyon ng minahan sa lugar mula pa noong 2002 ay nakapaglalabas parin ng stockpile o natitira pang mina ang mga ito.

Ayon naman sa Nickel Asia Corporation, ang nagmamayari sa HMC, matapos na manalasa ang bagyong Yolanda noong 2013 ay kinailangang alisin ang mga stockpile. Mahigit anila sa 85% ng mga residente ng Manicani ang pabor naman na ipagpatuloy ang operasyon ng minahan.

May ipinakitang video sa isang press conference si dating DENR Sec. Gina Lopez ng pagbisita nito sa Manicani kasama na ang isang palayan. Subalit mariin namang itinanggi ng Nickel Asia na may palayan sa lugar.

Hindi anila dapat idamay ang buong mining industry sa mga gumagawa ng iresponsableng pagmimina.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,