Polisiya kaugnay ng pagsusuot ng face shield, dapat nang ipatigil ng pamahalaan – Medical Anthropologist

by Erika Endraca | May 28, 2021 (Friday) | 3721

METRO MANILA – Unti-unti nang bumababa ang mga kaso ng COVID-19 partikular na sa Greater Manila Area batay sa huling report ng Octa Research Group at ng Department Of Health (DOH).

Kaya naman para sa isang medical anthropologist na si Dr.Gideon Lasco, dapat nang ipatigil ng pamahalaan ang polisiya sa pagsusuot ng face shield.

Sa kanyang tweet sinabi ng doktor, na wala naman umanong batayan ang pagsusuot ng face shield.

Sa halip ay nakapagdudulot lamang umano ito ng dagdag na sakripsyo sa ating mga kababayan at banta rin sa kalikasan.

Ipinunto rin nito, na kahit ang ibang mga bansa ay hindi naman inoobliga ang pagsusuot ng face shield.

Pero nanindigan si Secretary Francisco Duque III na mahalaga pa rin ang pagsusuot ng face shield upang magkaroon ng dagdag proteksyon laban sa covid-19.

“Hindi muna natin pwedeng gawin yan dahil napaka-mahalagang karagdagang proteksiyon para sa ating mga kababayan, konting sakripisyo lang po ito para sa ating proteksiyon at para hindi tayo mapahamak dahil alam natin pwedeng makamatay ang COVID” ani DOH Secretary Francisco Duque III.

Kinontra rin ng kalihim ang argumento ni Doctor Lasco na walang siyentipikong batayan ang pagsusuot ng face shield, at iginiit na may mga bansa na nagkakaroon ng surge ng COVID-19 dahil sa kakulangan ng proteksyon laban sa virus.

“Itong faceshield na ito marami nang pag-aaral yan may Lancet Journal na published, mayroon din mga pag-aaral lokal kay Dr. Wong and Dr. Tony Dans. Hindi nila pwedeng sabinih na wala daw pag-aaral ito. Merong malaliman, malawakang pag-aaral isinagawa hindi lang dito sa Pilipinas kung tignan mo yung mga banang hindi nag-faceshield UK, US, mrami pa talagang doon mataas ang kanilang kaso.” ani DOH Secretary Francisco Duque III.

Dagdag pa ng DOH, nauna nang lumabas sa mga pagaaral na nakakapagbibigay ng 95% na proteksyon laban sa COVID-19 ang pagsusuot ng face mask, face shield at pagsunod sa iba pang health and safety protocols.

Samantala, ngayong araw ay inaasahang ilalalabas na ng Department Of Justice ang guidelines sa pag-aresto sa mga face mask violator.

Ayon kay DOJ Secretary Menardo Guevarra, inaprubahan na ni DILG Secretary Eduardo Año ang binalangkas na guidelines at ngayong araw ay nakatakda na itong pirmahan.

Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pag-aresto, pagditene at pag-iimbestiga sa mga kababayan natin na mahuhuling walang suot o hindi maayos na nakasuot ang face mask.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,