Police Supt. Jovie Espenido, nais ibalik ni Pangulong Duterte sa Ozamiz City

by Radyo La Verdad | November 29, 2018 (Thursday) | 8126

Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pinuno ng Philippine National Police (PNP) na ibalik na sa kanyang dating destino sa Ozamiz City, Misamis Occidental ang kontrobersyal na si Police Superintendent Jovie Espenido.

Sa kanyang talumpati kagabi sa ground breaking ceremony ng Ozamiz Airport Modernization Project, sinabi ng Pangulo na nais niyang ibalik si Espenido sa Ozamiz City.

Ayon sa Pangulo, mas mapapanatag ang mga residente ng Ozamiz City kapag muling maidedestino sa kanilang lugar si Espenido.

Si Espenido ang dating police chief ng Ozamiz City na nanguna sa anti-illegal drug operation sa lugar kung saan napatay ang mayor ng lungsod na si Reynaldo Parojinog Sr.

Dati na rin siyang nadestino sa Albuera Leyte, kung saan napaslang rin sa anti-illegal drug operation si Mayor Rolando Espinosa Sr.

Si Mayor Parojinog Sr., at Mayor Espinosa Sr. ay kapwa kabilang sa umano’y narco politicians na sinasabing sangkot sa paglaganap ng iligal na droga sa kanilang mga lugar.

Nito lamang Oktubre 2018, naitalaga si Espenido bilang hepe ng Virac, Catanduanes na ayon sa PNP ay may kaugnayan sa promotion sa pwesto ng opisyal.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,