Police presence sa pagsisimula ng campaign period ng local candidate, ipinag-utos ng PNP

by Radyo La Verdad | March 22, 2016 (Tuesday) | 3141

MARQUEZ
Bukod sa paghahanda ng pambansang pulisya sa seguridad ngayong bakasyon, ipinag-utos na rin ni Philippine National Police Chief Police Director General Ricardo Marquez ang pagpapatupad ng mahigpit na police presence sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Ito ay bunsod na rin ng nakatakdang pagsisimula ng kampanya ng local candidates.

Ayon kay Gen. Marquez, inatasan na nya ang mga regional director na magsagawa ng assessment sa iba’t ibang lugar sa bansa upang agad na makapag deploy ng sapat na bilang ng tauhan kung kinakailangan.

Sa kasalukuyan ay nasa heightened alert pa rin ang pambansang pulisya subalit nasa discretion na ng mga regional director kung itataas ito sa full alert status.

Sinabi pa ng PNP Chief na patuloy ang assessment nila sa Nueva Ecija at Basilan kung isasama ito sa anim na itinuturing nilang election watchlist areas.

Ang ibang kabilang sa naturang listahan ay ang Pangasinan, Masbate, Lanao del Sur, Negros Oriental, Mindanao at Western Samar.

Kinumpirma rin ng heneral na apat na miyembro ng Private Armed Groups o PAGS ang kumpirmadong nahuli ng PNP sa Masbate.

Subalit base sa omnibus election code, bawal ang mangampanya sa good friday kaya ipinagpaliban ito na ng Sabado.

Pagtitiyak ng pamunuan ng PNP, nakahanda ang kanilang tauhan upang magbantay at magbigay seguridad sa mga lugar na pupuntahan ng mga kandidato.

(Lea Ylagan/UNTV NEWS)

Tags: