POEA employees at officials na sangkot umano sa illegal recruitment activities, iniimbestigahan na ng DOLE

by Radyo La Verdad | November 22, 2017 (Wednesday) | 3928

Minamadali na ng Labor Department ang imbestigasyon sa mga opisyal at empleyado ng Philippine Overseas Employment Administration na isinasangkot sa illegal recruitment activities.

Ayon kay Undersecretary Dominador Say, kabilang dito ang dalawang POEA officials na pansamantala nang ni-relieve sa pwesto. Masusi din nilang sinisiyasat ang kalakaran sa ahensya kung saan pati ang mga security guard at janitor ay sangkot din umano sa mga iligal na transaksyon.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DOLE sa Department of Justice at Bureau of Immigration para sa isinasagawang imbestigasyon. Magpapapatupad na rin anila ng malawakang pagsasaayos ng kalakaran sa loob ng ahensya.

Sa ngayon, wala pang eksatong bilang na hawak ang DOLE kung sinu-sino ang mga talagang sangkot at kung gaano kalawak ang anomalya sa loob ng POEA.

Una nang sinuspinde ng DOLE ang pag-iisyu ng Overseas Employment Certficates o OECS sa mga bagong aplikante simula noong November 13 hanggang December 1 bilang bahagi ng pagresolba sa problema sa illegal recruitment.

Muli naman ang paalala ng DOLE sa mga may planong mangibang bansa na tanging sa mga lehitimong recruitment agencies lamang makipag-usap upang makaiwas sa panloloko.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,