Ipagpapatuloy ni Sen. Grace Poe ang laban para sa pagka-pangulo sa kabila ng pagdiskwalipika sa kanya ng 2nd Division ng Commission on Elections sa 2016 presidential election.
Sa isang press conference kagabi, sinabi ng tagapagsalita ni Poe na si Valenzuela City mayor Rex Gatchalian na walang Plan B ang kampo ng senadora para sa presidential campaign nito. Sa halip. gagamitin aniya nila ang lahat ng legal remedies upang iapela ang kaso ni Poe.
Umaasa si Gatchalian na mababaliktad ang desisyon ng 2nd division sa kaso ni Poe pagdating nito sa Comelec en banc.
Bagamat dismayado sa desisyon ng Comelec, nangako si Poe patuloy nitong patutunayan na isa siyang lehitimong Pilipino at may karapatan sa ilalim ng batas sa kabila ng pagiging ‘foundling’nito.
“Ikinalulungkot ko ang naging desisyon ng Comelec Second Division pero hindi po rito natatapos ang proseso. Patuloy po nating ipaglalaban ang karapatan ng mga batang pulot at ang pangunahing karapatan ng mamamayan na pumili ng kanilang mga pinuno,” pahayag ng senadora.